Paano Makakatulong ang 'Department of Overseas Filipinos' (DOFil) sa mga OFW?
- 4 years ago
Sinertipikhan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes ang agarang pagpasa ng panukalang batas para sa pagtatatag ng Department of Overseas Filipinos (DOFil).
Sa kaniyang liham na ipinadala kay Senate President Vicente Sotto III nit, sinabi niyang sinasertipikahan niya bilang urgent measure ang Senate Bill No. 1949.
Paliwanag ng Pangulo, ito ay para maibsan umano ang hirap ng mga Pilipino na nasa ibang bansa at magkaroon ng mekanismo para sa isang whole-of-government approach sa pagprotekta sa karapatan ng overseas Filipinos.
Matatandaang lusot na sa huling pagbasa sa Kamara ang bersyon nila ng naturang panukalang batas.
Una nang sinabi ng Pangulo sa kaniyang nakaraang SONA ang pagtatag ang Department of Overseas Filipinos ay isa sa kaniyang priority legislation.
Ayon sa ulat ng Remate, naninindigan si Senator Christopher “Bong” Go na hindi dapat kalimutan na mahigit sa 10 milyon ang mga OFW kaya naman mayroon na dapat sariling departamento ang mga ito para mayroong nakatutok sa kanilang kapakanan nang hindi na kailangang manawagan sa mga estasyon ng radyo at sa social media.
Binigyang diin ni Go na lalo na ngayong may pandemya, marami ang pinauwing OFW na dapat matutukan ng iisang ahensiya upang maibigay ang sapat na tulong para sa kanila
Matatandaang isa sa mga isinusulong na panukalang batas ni Go ang DOFW upang hindi na nalilito ang mga manggagang Pinoy sa ibang bansa kung kanino sila hihingi ng tulong oras na nagkaproblema sa lugar ng kanilang trabaho.
Ipinagdiwang ni Senator Go ang kahalagahang magkaroon ng Department of Overseas Filipinos (DOFil) sa pagsasabing ito ang sagot sa inisyatibang maitama at maging epektibo ang burukrasya.
Matatandaang ilang beses inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang nasabing panukala ay isa sa prayoridad ng kanyang administrasyon.
Iginiit ni Sen. Go na ang paglikha sa DOFil, sa katunayan, ay ang siya mismong katugunan para maging epektibo at maging wasto ang pamamalakad sa mga ahensiya ng gobyerno.
“Kapag sinabing rightsizing, ibig sabihin gawing tama at mas epektibo ang mga ahensya ng gobyerno para maging mas responsive sa pangangailangan ng mga tao. Ito ang gusto ring maisakatuparan ng bill na ito,” ang pahayag ni Go.
Ipinaliwanag ni Go na mapapabilis ng panukalang DOFil ang galaw at ang koordinasyon ng mga ahensiya sa pangangailangan ng Filipino na dapat mapagsilbihan ng gobyerno.
“Sa tagal po natin sa public service, hindi naman po lingid sa ating kaalaman na kapag po ang ating mga ahensya ay hiwa-hiwalay at may kanya-kanyang mandato, ang nahihirapan po ay ang mga Filipino,” anang senador.
“Kadalasan, hindi nila alam kung saan sila pupunta. Pinagpasa-pasahan sila. Huwag naman po sana ganito ang ating gobyerno. Suklian natin ang kanilang sakripisyo ng maayos at maaasahang serbisyo,” idinagdag niya.
Sinabi niya na sa pagtatayo ng DOFil, hindi ibig sabihin ay maibabasura ang mga nakatayo nang ahensya, bagkus ay mapagsasama-sama sila sa iisang executive department na may kinalaman sa pagtugon sa mga problemang kinakaharap ng overseas Filipinos.
Aniya, hindi nilalayon ng DOFil na mas palakihin pa ang gobyerno kundi inilalagay lamang sa iisang departamento ang mga opisina na nangangasiwa sa pangangailangan ng OFWs at mabawasan ang red tape, mapabilis ang koordinasyon, at magkaroon ng klarong timon kung sino ang dapat na accountable.
Maiiwasan din sa DOFil ang overlapping ng ma gawain at mapag-iisa ang budgetary allocations sa isang government entity.
“Ang sa akin ay pag-isahin natin sa isang departamento na nakatutok sa kapakanan ng ating kababayan na nasa abroad. ‘Yun po ang importante sa akin, na mayroon silang malalapitan, mag-aasikaso, makikipag-liaise kaagad para sa kapakanan ng ating mga OFWs,” sabi ni Go.
“Katulad ngayong pandemya, maraming umuwi na mga OFWs natin, kasama na dyan mga seafarers natin. Minsan nga mayroong inaapi sa ibang bansa, nananawagan sa radyo, Facebook, sa telebisyon. Ngayon po, kung mayroon tayong department secretary na nakatutok sa kanila, ang akin naman, hindi kalat-kalat ang response. May iisang magtitimon,” paliwanag pa niya.
Tinatayang nasa 10 milyon ng populasyon ay kinokonsiderang overseas Filipinos kaya naman responsibilidad ng estado, ani Go, na mapangalagaan ang kanilang kapakanan.
“Sila po ‘yung bagong bayani natin, more than ten million po ‘yan, nagpapakamatay sila sa ibang bansa. Alam niyo, hindi po nababayaran ang lungkot — hindi magtatrabaho sa ibang bansa ‘yan kung parehas lang po ang suweldo rito. Kaya po bigyan natin sila ng departamentong para sa kanila po na magtitimon, nagpapagitna,” ayon sa senador.
Dahil dito, muling umapela si Go sa mga kapwa mambabatas sa Senado na iprayoridad ang deliberasyon sa komite ng nasabing panukala upang makahanap ng mas magandang solusyon.
“Marami namang concerns ngayon na dapat nating asikasuhin and this should not take a back seat. While we are financially constrained, this should not stop us from doing our job and looking for better ways to improve our government,” ani Go.
Basahin dito:
Paano mag-apply sa 'Tabang OFW' Scholarship Program? Alamin dito
Source: ABS-CBN
Comments